Dinagsa ang huling araw ng public viewing ng yumaong National Artist at Superstar na si Nora Aunor ngayong araw, Linggo, Abril 20, 2025, ala-4 ng hapon sa Heritage Park sa Taguig City.
Matatandaan na pumanaw ang bantog na aktres sa isang acute respiratory failure noong Abril 16, 2025.
Dito muling inalala ng kanyang mga tagahanga ang kahusayan ni Aunor na ayon sa mga ito ‘walang makakapalit’ sa kanyang natatangin galing sa pag-arte, pag-awit at pagiging matulungin sa kapwa.
Ayon kay Remedios Tangile Legaspi, 73, na nakusap ng Bombo Radyo na mula pa Cavite, mula pa noong 1972 ay idolo na niya si Aunor kung kaya’t ganoon na lamang ang paghihinagpis nito ng malaman na namayapa na ang iniidolo.
Emosyonal naman na inalala ni Consuelo Tagle Penaflor ang mga ala-ala kung paano siya nanonood noon ng mga pelikula ni Nora Aunor, aniya ”piliin mo ‘yung mag mamahal sa’yo ‘wag kang nagmamahal lang ng hindi para sa’yo.”
Para naman sa dating tagaluto ng namayapang si Nora Aunor na si Monet Enobeso, 71, bagama’t hindi alintana ang init ay matiyaga siyang naghintay para sa public viewing upang makadaupang palad ang kaniyang Superstar na idolo.
Aniya ”Nagagalak ako na lahat ng ‘Noranians’ nandito, pinakita nila ang suporta nila. Kami kahit pagod na pagod na, pabalik-balik lang kami para makita siya (Si Nora).”
Kuwento pa nito na naka-apat na balik na siya. ”Hindi ako napapagod, kahit na sinaway na ako ni Matet (Anak ni Nora Aunor) na baka nga raw matumba ako kakaikot, ‘wala sa akin ‘yun.”
Samantala batay naman sa nakuhang datos ng Bombo Radyo mula sa City Health Office at Taguig Rescue ay tanging pag-kahilo at dalawang mild na pagkahimatay lamang ang natanggap nila sa buong mag-araw dahil narin sa tindi ng init.
Gayunpaman ay inaalok nila ang mga dumadalo ng libreng tubig at pinaalalahanan na kung maaari ay laging panatiliing hydrated.
Sa kabilang banda nakatanda namang isagawa ang libing ni Nora Aunor sa Abril 22, Martes sa Libingan Ng Mga Bayani.