Isang seryoso at nakababahalang insidente ang naganap sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center matapos umanong mailabas ang isang bagong silang na sanggol ng isang indibidwal na nagpanggap bilang nurse ng ospital.
Batay sa incident report, bandang alas-11:45 nuong December 26,2025 ng umaga nang makapasok sa ward ang isang hindi pa nakikilalang tao at kunin ang sanggol sa harap mismo ng mga magulang.
Ipinakilala umano ng suspek ang sarili bilang health worker at sinabing isasailalim lamang ang sanggol sa newborn screening.
Dahil sa kakulangan ng malinaw na paliwanag at oryentasyon sa mga magulang hinggil sa mga protocol ng ospital—lalo na sa pagkilala sa lehitimong kawani—naipagkatiwala ng mga magulang ang kanilang anak sa suspek.
Sa isang Facebook post, humingi ng tulong ang lolo ng sanggol kina Marikina Mayor Maan Teodoro at Congressman Marcy Teodoro para sa agarang paghahanap at pagbabalik ng kanyang apo.
Lalong umigting ang pangamba ng ilang kawani at health advocates matapos umanong payuhan ng isang opisyal ng DOH ang ilang staff na sabihing “karaniwan” lamang ang ganitong insidente.
Para sa marami, ang pahayag ay itinuturing na hindi sensitibo at tila minamaliit ang seryosong paglabag sa seguridad ng ospital.
Ibinunyag din ng ilang insider na matagal nang isinusulong ang pagkakaroon ng iisang standard uniform at mas malinaw na identification system sa mga DOH hospital, subalit hindi umano ito nabibigyang-priyoridad.
Hanggang sa ngayon, wala pang malinaw at detalyadong pahayag ang DOH hinggil sa pananagutan at mga konkretong hakbang upang maiwasan ang pag-uulit ng insidente.
Dahil dito, kinukuwestiyon ng ilang sektor ang pamumuno sa ahensya at ang kakayahan nitong tiyakin ang kaligtasan ng mga pasyente, lalo na ng mga sanggol.
Kalaunan, nahuli rin ang suspek matapos umano itong tangkaing makapagnakaw muli ng isang bagong silang na sanggol sa Tondo Medical Center, na isa ring DOH hospital.
Ang insidente ay muling nagbunsod ng panawagan para sa mas mahigpit na seguridad at pananagutan sa mga pampublikong ospital.
Iniulat naman ni Marikina Mayor Maan Teodoro na naibalik na ang sanggol sa kaniyang mga magulang.
“ Baby Ryu is back with his family. As a mother, the incident at Amang Rodriguez Memorial Medical Center is heavy for me, especially since this is a safe place for babies and families. We are quietly watching, with authorities, to safely return Ryu to his family. The suspect is now in police custody.We are also very grateful to our Police Officers for their hard work and determination.So far, the most important Baby Ryu is safe and his family is whole again,” pahayag ni Mayor Teodoro.










