-- Advertisements --

Hinamon ni House Majority Leader at Zamboanga Representative Mannix Dalipe ang Senado na ipasa na ang Resolution of Both Houses No.6 na inakda ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Siniguro din ni Dalipe na bukas ang House of Representatives na pagtibayin ang nasabing resolusyon.

Nakahanda rin ang Kamara na makipag sandugo o blood compact sa Senado para sa isinusulong na Charter Change.

Binigyang-diin ni Dalipe na tinapos na ng Kamara ang isyu hinggil sa Peoples Initiative, matapos itong pinatigil ng Commission on Elections.

Ipinunto ng house majority leader na nais ng Kamara na mag pokus na sa trabaho at tigilan na ang palitan ng mga pahayag o ang bangayan.

Aniya dapat simulan na ang pag-uusap partikular sa economic provisions ng sa gayon magkakaroon na ng pag-unlad sa ekonomiya ng bansa.

Inihayag ni Dalipe na aksaya ng panahon ang ginawang pagdinig ng senado hinggil sa Peoples Initiative.

Ang inisyatiba na amyendahan ang saligang batas ay hindi lamang nangyari ngayong 19th Congress bagkus sa mga nagdaang house speaker ay may mga isinusulong na charter change ilan dito nai-transmit sa senado subalit walang nangyari.