Nagpaabot ng pakikiramay si dating Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa pagpanaw ni Antipolo City Rep. Romeo Acop, na kanyang pinuri bilang isang masipag at prinsipyadong lingkod-bayan at mahalagang lider ng Kamara.
Ayon kay Romualdez, malaking kawalan para sa House of Representatives at sa buong bansa ang pagpanaw ni Acop, na nagsilbing senior vice chairman ng House Quad Committee o Quad Comm.
Aniya, naging mahalaga ang papel ni Acop sa paggabay sa ilan sa mga pinaka-komplikado at sensitibong imbestigasyon ng Kamara nang may disiplina, patas na pagtingin, at buong paggalang sa due process.
“We mourn the passing of Representative Romeo Acop, a dedicated public servant who lived with discipline and integrity and remained unwavering in his commitment to serve the Filipino people,” pahayag ni Romualdez.
Si Acop ay isang abogado at dating police general, na ayon kay Romualdez ay malinaw na naipakita ang kanyang karanasan sa batas at pagpapatupad ng kaayusan sa paraan ng kanyang pamumuno sa mga pagdinig ng Quad Comm.
Binigyang-diin ni Romualdez na bilang isa sa mga lider ng Quad Comm, pinangunahan ni Acop ang mga imbestigasyon nang may malinaw na layunin, propesyonalismo, at pagpapahalaga sa katotohanan at pananagutan.
Dagdag pa ni Romualdez, bukod sa kanyang papel sa mga high-profile na imbestigasyon, kilala rin si Acop sa kanyang tahimik ngunit masigasig na pagtatrabaho at tuloy-tuloy na pagtupad sa mga tungkuling lehislatibo.
Nagpaabot din si Romualdez ng pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan, at mga nasasakupan ni Acop sa Antipolo City.
Aniya, mag-iiwan ng pamana ang yumaong mambabatas na binubuo ng mga repormang kanyang itinaguyod at ng mataas na pamantayang kanyang itinakda sa congressional oversight.









