-- Advertisements --

Pinuri sa maayos umanong proseso ng House Committee on Justice sa pagdinig ng mga reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay constitutional law expert Atty. Domingo Cayosa, nabigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na sumagot sa mga katanungan.

Nabatid na maingat ang komite upang maiwasan ang panghihimasok ng Korte Suprema, lalo’t may mga nakahain nang petisyon para ipatigil ang impeachment process.

Kahapon, bumoto ng 53–0 ang mga miyembro ng komite na mayroong probable cause sa mga reklamong impeachment laban kay Duterte, kabilang ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, pati na ang P6.7 bilyon bank transactions na iniulat ng Anti-Money Laundering Council.

Kasama rin sa reklamo ang mga umano’y banta ni Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa Mayo 4, inaasahang ihahain ng komite sa plenaryo ang Articles of Impeachment, kung saan kailangan ng boto ng isang-katlo ng mga miyembro ng Kamara upang maisampa ang kaso sa Senado. Nanindigan naman ang kampo ni Duterte na hindi sila nagulat sa desisyon ng komite at iginiit na ang Senado ang tamang forum para sagutin ang mga alegasyon. (Report by Bombo Genesis)