Reading Time: 1 minute

KALIBO, Aklan – Tuluyang nasibak sa trabaho ang isang hotel staff sa Boracay makaraang nahuli sa akto na kinukunan ng video ang hubo’t-hubad na babaeng turista habang naliligo sa loob ng banyo.

Batay sa report mula sa Malay Police Station, dumulog sa kanilang himpilan ang biktima na nanginginig sa galit kasunod ng natuklasan sa closed circuit television (CCTV) video ng establishment na nagma-masturbate ang suspek na si Regie Guillermo habang kinukunan siya ng video.

Una rito, galing umano sa bar hopping ang magkakaibigan dakong ala-1:00 ng madaling araw nang maisipan ng biktima na maligo muna bago matulog.

Habang naliligo ay napansin nito ang isang camera na nakatutok sa kaniya kaya agad siyang napasigaw na ikinagulat naman ng iba pang mga kasamahan nito.

Kaugnay nito, kaagad nilang ipinasuri sa pamunuan ng hotel ang CCTV recordings kung saan hindi naman itinanggi ng suspek na siya ang gumagawa ng kalaswaan sa bisita.

Hindi na nagsampa ng kaso ang bakasyunista laban sa suspek pero tinanggal pa rin ito sa kaniyang trabaho.