-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nag-umpisa na ang operasyon ng Lindi Hotel bilang containment/quarantine center para sa mga persons under investigation (PUIs) at persons under monitoring (PUMS) sa Lungsod ng Baguio.

Ayon kay Baguio City Health Officer Dr. Rowena Galpo, inilipat na sa nasabing pasilidad ang dalawang pasyenteng na-admit sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC).

Bagama’t aminado ito na hindi pa perpekto ang operasyon ng hotel bilang containment center, tiniyak naman niyang magiging maayos din ito sa mga susunod na araw.

Pumayag ang may-ari ng hotel bilang tulong sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 control efforts ng Baguio local government unit (LGU).

Sinabi naman ng Baguio-LGU na sa pamamagitan ng pagkakaroon ng containment/quarantine center ay matututukan ng mga ospital ang mga magpopositibo sa COVID-19 at iba pang mga pasayente ng mga ito.

Samantala, inialok na rin ng isa pang negosyante sa Baguio ang mga unoccupied rooms ng kanyang hotel sa lokal na pamahalaan para sa mga medical staff ng BGHMC na nagsisilbing frontliners sa paglaban sa COVID-19.

Ayon kay City Administrator Bonifacio Dela Peña, nalaman kasi ng nasabing hotel owner na nahihirapan ang ibang frontliners sa transportasyon dahil sa pagkasuspinde ng operasyon ng mga pampublikong sasakyan.

Gayunman, ang management ng BGHMC ang magdedesisyon kung sino sa mga frontliners ang tutuloy doon dahil limitado ang available room.