Nagpakitang gilas kaninang hapon si Manny Pacquiao sa ginanap na media workout sa PCYC Lang Park sa Brisbane, Australia, limang araw bago ang laban kay Jeff Horn.

Sinimulan ng fighting senator ang okasyon sa pamamagitan ng pagpapakondisyon at stretching exercises bago ang patikim na pagpapakawala ng mga kumbinasyon na bumugbog sa 59 na mga kalaban sa kanyang buong career.

Liban sa chief trainer na si Freddie Roach, dumalo rin sa pubic workout ang Top Rank big boss na si Bob Arum.

Napuno ang veneu ng international media at mga fans.

Aminado si Arum na maaaring bigyan ng problema ni Horn si Pacman lalo na raw at ito ay mas bata, gutom at meron ding angking lakas.

Ang magpapanalo naman aniya kay Manny ay ang liksi nito at mahabang eksperyensa.

Samantala, mistulang hindi pa rin makapaniwala ngayon si Horn sa inaaning atensiyon dahil sa laban kay Pacquiao.

Aminado si Horn na mahiyain siya at mabait na magsalita, pero pagdating naman daw sa ibabaw ng ring ay makikita ng lahat kung gaano siya kabangis.

Sinasabing sa 16 na mga laban ni Horn na wala pa ng talo, hanggang ilang daan at ilang libo lamang na fans ang nakakapanood ng live sa kanyang laban lalo na at hindi naman siya bigatin o boxing superstar.

Ngayon lamang daw siya makakatikim ng napakaraming fans na manonood ng personal sa kanyang laban at makakaharap pa niya ang isang boxing legend.

Nangako naman ito na gugulatin niya ang mundo at ang mahigit sa 50,000 mga fans na inaasahang bubuhos sa Suncorp stadium sa sa Brisbane sa Linggo.

Una nang sinabi ni Arum na manalo man o matalo si Horn, lalo pa itong sisikat at kikilalanin ang pangalan sa mundo ng boxing.