DAVAO CITY – Hindi na nagbigay pa ng dagdag na detalye si Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio patungkol sa huling pagkikita at napag-usapan nila ni dating Senator Bongbong Marcos sa Cebu matapos dumalo sa isang okasyon.
Una nito, muling sinabi ni Mayor Inday na hindi siya kakandidato sa pagka-Pangulo sa eleksiyon sa susunod na taon.
Dumalo rin si Mayor Inday sa inagurasyon sa bagong itinayong Liloan Sea Port sa Cebu kahapon.
Ngunit sinabi ng alkalde na napag-usapan nila ni Bongbong Marcos kung papano makatulong ang kanyang regional party na Hugpong ng Pagbabago (HNP) sa kandidatura ng dating senador sa pagka-pangulo.
Inihayag rin ni Mayor Inday na wala pa silang inisyal na pag-uusap patungkol sa “Marcos-Duterte” tandem sa 2022 polls.
Nabatid na marami ang nabigla sa pagpunta ni Mayor Inday sa Cebu kunsa saan ilang linggo itong hindi nakita ng publiko matapos sumailalim sa quarantine dahil sa Covid-19.
Maliban sa magkapatid na Marcos, nakipagkita rin si Mayor Inday sa iba pang Cebuano high-ranking officials na kinabibilangan nina Cebu Governor Gwendolyn Garcia, Cebu City Acting Mayor Mike Rama at Liloan Mayor Christina Frasco na nagsilbing tagapagsalita rin ni Mayor Inday.