-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nanawagan ang isang minority senator sa Department of Transportation (DOTr) na mabigyan ng libreng sakay at eksklusibong sasakyan ang mga healthcare providers na papasok at uuwi sa gitna ng pagsugpo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ito’y matapos na masuspinde ang mass transportation dahil sa enhanced community quarantine na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Luzon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Sen. Risa Hontiveros, sinabi nito na puwedeng maparalisa ang serbisyo ng mga health worker kahit kabilang sila sa mga frontliner laban sa COVID-19 kaya dapat lamang matiyak na mayroon silang sasakyan papasok at pauwi galing sa trabaho.

Marapat lamang din aniya na tiyakin ng pamahalaan na hindi sila maaapektuhan ng nasabing sakit sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga medical equipment na kanilang kailangan upang magampanan nila ng maayos ang kanilang trabaho.

Idinagdag pa nito na dapat ding mabigyan ng hazard pay ang mga frontliner na kinabibilangan ng mga pulis, military personnel, medical at service worker, dahil kinakailangang mapanatili silang ligtas at matulungan ang kanilang pamilya