-- Advertisements --

Tinambakan ng New York Knicks ng 34 points ang 8-13 team na Utah Jazz.

Walang sinayang na sandali ang Knicks at agad gumawa ng 23-0 run sa unang quarter, sa pangunguna ng point guard na si Jalen Brunson.

Natapos ang unang quarter sa 13-41, kung saan tangan ng Knicks ang 28 points na kalamangan.

Hindi na nakabawi pa ang Utah at tuluyang tinapos ng New York ang laban sa score na 146-112, hawak ang 34 points na kalamangan.

Naipasok ni Brunson ang anim na 3-pointer mula sa siyam na kaniyang pinakawalan, kasama ang perfect 9 free throws. Sa loob ng maikling panahon na kaniyang paglalaro, gumawa siya ng 33 points at apat na assists.

Pawang inalat ang Jazz players sa laban nito kontra sa eastern conference No. 2 team.

Bagaman perfect ang anim na free throws ng forward ng koponan na si Lauri Markkanen, umabot lamang sa limang shots ang naipasok nito mula sa 13 na pinakawalan. Sa pagkatalo ng Jazz, nagbulsa lamang ng 18 points at siyam na rebounds ang bagitong forward.

Ito na ang ika-14 panalo ng New York ngayong season habang nananatili sa pito ang pagkatalo nito.