Inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na inirekumenda na ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga sangkot sa umano’y ghost flood control project sa Kulaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental na nagkakahalaga ng halos 100 milyon pesos.
Sa report ng Pangulo sa publiko, sinabi nitong nakita ng Ombudsman na may basehan para sampahan ng malversation through falsification at paglabag sa Section 3(e) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang ilang personalidad mula sa St. Timothy Construction Corporation at ilang opisyal ng DPWH na pinaniniwalaang nagproseso ng pekeng dokumento para mailabas ang pondo ng proyekto kahit walang anumang konstruksyon na naganap.
Inilahad sa reklamo ang mga pangalan mula sa St. Timothy Construction, kabilang sina Cezarah Rowena Discaya at Maria Roma Angeline Remando, pati na ang ilang DPWH personnel na umano’y nagpabilis ng pag-apruba ng mga dokumentong nagresulta sa pag-release ng buong pondo.
Kaugnay nito inatasan ng Pangulo ang DILG at PNP na tiyaking matutunton ang kinaroroonan ng mga pinangalanang indibidwal upang agad na maaresto sakaling maglabas ang korte ng arrest warrant.
Ayon pa sa Punong Ehekutibo, umpisa pa lang ito at marami pa silang ipapakulong at magpapasko sa kulungan.










