-- Advertisements --

Opisyal nang umupo bilang bagong presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) si Archbishop Gilbert Garcera ng Lipa, Batangas ngayong Lunes, Disyembre 1.

Matatandaang, inihalal siya noong 130th plenary assembly ng CBCP noong Hulyo.

Papalitan ni Archbishop Garcera si Cardinal Pablo Virgilio David ng Kalookan na nagsilbi sa naturang posisyon nang dalawang termino sa loob ng apat na taon.

Bilang presidente, papangunahan ng Arsobispo ang conference, pangangasiwaan ang mga tungkulin ng CBCP at magsisilbi bilang pangunahing tagapagsalita.

Papamunuan din niya ang CBCP Permanent Council na namamahala sa mga usapin at nagpapatupad ng mga desisyon sa plenary assembly ng mga obispo.

Kakatawanin din ng Arsobispo ang Simbahang Katolika ng Pilipinas sa national at international events kabilang ang mga pagpupulong sa Vatican at iba pang conference ng mga Obispo.

Si Archbishop Garcera ay naitala sa Archdiocese of Lipa simula pa noong 2017.

Makakatuwang niya sa bagong tungkulin ang bagong Vice President ng CBCP na si Archbishop Julius Tonel ng Zamboanga. Ang kanilang termino ay magtatapos sa November 30, 2027.