Tinutulan ng prosecutors ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na i-diskwalipika ang 2 hukom mula sa pagdedesisyon sa isyu ng hurisdiksiyon ng tribunal sa kaso ng dating Pangulo.
Nauna na kasing hiniling ng lead counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman noong Mayo 2 sa ICC na i-diskwalipika sina Pre-Trial Chamber I Judges Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at María del Socorro Flores Liera mula sa pagpapasya sa kanilang kinuwestyong hurisdiksiyon ng korte sa kaso ng dating Presidente.
Iginiit din ng kampo ng dating Pangulo na sa pamamagitan ng pagdiskwalipika sa dalawang judge ay mapangangalagaan umano ang karapatan ni Duterte para sa “walang kinikilingang paghatol.”
Subalit sa inilabas na tugon ng ICC prosecutors noong Mayo 22, pormal na tinanggihan ni deputy prosecutor Mame Mandiaye Niang, ang kumakatawan sa Office of the Prosecutor, ang request ng kampo ni Duterte dahil nabigo umano ang defense team na mapatunayan na nagpakita ng pagiging bias ang 2 judges.
Taliwas kasi sa posisyon ng defense team, hindi pa natutukoy ng judges ang outcome o hindi pa napagpapasyahan ang dispute kaugnay sa hurisdiksiyon na pabor sa panig ng prosekusyon.
“The defense request should be rejected because it fails to call into question the presumption of impartiality attached to the Judges. Contrary to the Defense’s position, the Judges have not ‘already predetermined the outcome of the jurisdictional dispute in [the Prosecution’s] favor’,” ayon sa prosekusyon.
“The Judges’ prior ruling does not amount to any perceived bias in this case, and any conclusion to the contrary would result in the untenable situation where a judge may be barred from issuing decisions on the same legal issue more than once.”
Sina Gansou at Liera nga ay parte ng chamber na nag-otorisa sa ICC prosecutor na buksan ang imbestigasyon sa war on drugs ni dating Pangulong Duterte noong 2021 at ipagpatuloy ang nasuspending imbestigasyon noong 2023.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakadetine ang dating Pangulo sa The Hague, Netherlands habang nakabinbin ang kumpirmasyon ng kasong inaakusa laban sa kaniya na crimes against humanity kaugnay sa madugong war on drugs na itinakda sa buwan ng Setyembre.