Walang patid ang Department of Social Welfare and Development sa paghahatid ng tulong sa mga biktima ng lindol sa Davao Oriental.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Juan Carlo Marquez, naihatid na nito ang kabuuang halaga na ₱615,840 bilang inisyal na tulong.
Kabilang sa mga tulong na ipinadala ay mga pagkain, tubig, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan upang maibsan ang kanilang paghihirap.
Bilang karagdagan, nai-deploy na rin sa probinsya ng Davao Oriental ang Mobile Command Center ng Field Office 11 ng DSWD.
Ito ay upang mapabilis ang koordinasyon at pagbibigay ng tulong sa mga lugar na nangangailangan.
Batay sa datos, mayroong 15,868 pamilya, katumbas ng 78,430 katao, ang naitalang apektado ng malakas na pagyanig sa buong lalawigan.
Sa kasalukuyan, mayroong 1,583 pamilya, o 7,915 na indibidwal, ang pansamantalang nanunuluyan sa limang evacuation centers na itinayo at pinamamahalaan ng local government unit (LGU).