Mahigit kalahating bilyong pisong halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa Cavite kaninang umaga.
Ayon kay PDEA DGen. Wilkins Villanueva sa nasabing operasyon nasa kabuuang 80 kilos ng umano’y shabu ang kanilang nasabat na nagkakahalaga ng P544 million o mahigit kalahating bilyon.
Sa unang operasyon naaresto ng pinagsanib na pwersa ng PDEA, Task Force Noah, Team Navy, at PNP-PDEG.
Nakilala ang mga nahuling ang mga drug suspek na sina Dominador Robasto Omega Jr. at Siegfred Omega Garcia sa Hyacinth St., Camella Homes, Dasmariñas City.
Nakumpiska sa kanilang posisyon ang nasa 60 kilos ng umano’y shabu na sinasabing nagkakahalaga ng higit P400,000.00, kasama ang ilang mga drug paraphernalia, cellphone, ilang piraso ng identification cards at mga hinihinalang sangkap at kagamitan sa paggawa ng shabu.
Sa ikalawang operasyon na ikinasa sa may bahagi ng Buenavista Townhomes, General Trias, arestado naman ang mga drug suspeks na sina Elaine Maningas, Ricardo Santillan at Laurel Dela Rosa kung saan nasabat mula sa mga ito ang nasa dalawampung kilo ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P136 million pesos, limang cellphone, at identification cards.
Ayon kay Villanueva sa nasabing operasyon kanilang nadiskubri ang isang maliit na shabu laboratory.
Kasalukuyang nakakulong na ang mga suspeks sa detention facility ng PDEA.
Kapwa sasampahan ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga naturang suspek.