-- Advertisements --

DAVAO CITY – Malalaking pakete ng iligal na droga, mga gamit sa paggawa ng shabu at kemikal, ang nadiskobre ng mga otoridad sa isang abandonadong bahay sa Purok Bagani, Barangay Cuambogan, Tagum City.

Sinasabing ginawang shabu laboratory ang bahay na pagmamay-ari ng isang Marivic Wong Tan Casis.

Si Casis ay nakakulong sa Tagum City Jail dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 matapos masangkot sa pagbebenta ng illegal drugs nang nagsagawa ng operasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-11 noong 2018.

Ayon kay Regidor Lubiano Tan Casis, ama ng suspek na si Marivic, binenta niya ang bubong ng inabandonang bahay sa isang Eliseo Eradea Isaal, residente ng Purok Bagani, Barangay Cuambogan, Tagum City.

Habang tinatanggal umano ang bubong, tumambad sa isang karpentero ang ilang items dahilan kaya agad itong nagsumbong sa Tagum City Police Station at positibo namang narekober.

Pinaniniwalaang humigit-kumulang 1,555 grams ng shabu o may street value na P23, 325,000.00 ang narekober ng pulisya, kabilang na ang iba’t ibang laboratory glass wares at mga kemikal.

Ang mga nakumpiskang shabu ay nasa kustodiya na ng PDEA-11 para sa isasagawang qualitative at quantitative examination.

Patuloy naman ang panawagan ni P/Capt. Anjanette Tirador ng Tagum Philippine National Police sa kanilang mga residente na suportahan ang kampanya nila laban sa illegal drugs at manatiling alerto laban sa mga iligal na aktibidad sa kanilang lungsod.