-- Advertisements --
albayalde

Nasa mahigit P12-milyong halaga ng ginamit sa vote buying ang nakumpiska ng PNP sa kanilang operasyon sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa ulat na inilabas ng National Election Monitoring Action Center (NEMAC), umabot na sa mahigit 200 operasyon ang ikinasa ng PNP kung saan nakaaresto sila ng 356 na indibidwal at walong menor de edad.

Ang Region 13 o Caraga region ang nangunguna sa vote buying cases kung saan higit P7-milyon ang nasabat ng PNP.

Sumunod ang Region 10 na umabot naman sa mahigit na P1.1-milyong; NCR na may P500,000; Bicol P449,000 at Region 4A na mahigit sa P400,000.

Inihahanda na rin ng PNP ang kaukulang kaso na isasampa laban sa mga naaresto na sangkot sa vote buying.

Samantala, inaasahan ni PNP chief Gen. Oscar Albayalde na magiging mas talamak ang vote-buying sa darating na taong 2022 elections.

Ito ay base sa naging karanasan sa katatapos lamang na halalan kung saan kaliwa’t kanan ang mga ulat ng vote buying.

Sa dami aniya ng sumbong, hindi na naaksyunan ng PNP ang ilang mga reklamo dahil abala sila sa pagresponde sa mga nauna pang report.

Aminado si Albayalde na bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang pamimili at pagbenta ng boto, kaya mahirap umano itong baguhin hanggat sa walang masampolan na politiko.

Sa ngayon aniya ay puro mga tumatanggap at nagbibigay ng pera ang nahuhuli, pero wala pang kandidato na na nakukulong o nadiskwalipika dahil sa vote buying.