-- Advertisements --

DAVAO CITY – Nilinaw ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte-Carpio na nakipag-ugnayan na siya sa lider ng liga ng mga barangay captain sa kanilang lungsod.

Ito’y para imonitor ang mga barangay kapitan na nagtungo sa ilang lugar sa Maynila para matiyak na sumunod ang mga ito sa quarantine protocols.

Una nang pinayuhan ni Mayor Inday ang 44 na indibidwal kabilang na ang mga barangay official na nakiisa sa nationwide campaign para ipanawagan ang kanyang pagtakbo sa 2022 presidential election, na kailangan sumailalim ang mga ito sa quarantine.

Noong nakaraang linggo lang din nang nakipag-usap ang alkalde sa mga barangay official at pinayuhan ang mga ito na huwag ituloy ang caravan lalo na at mataas ang kaso ng Coronavirus Disease sa Maynila ngunit hindi aniya nakinig ang mga ito.

Kung maaalala, nagpasalamat si Mayor Inday sa tiwala at suporta na ibinibigay sa kanya ngunit nanindigan na hindi siya kakandidato sa mas mataas na posisyon sa eleksyon sa susunod na taon.

Kasunod nito ang pagpapatanggal na rin sa mga tarpaulin, posters, at billboards ng mga “Run, Sara, Run,” na makikita sa ilang lugar sa Davao City.