Siniguro ng Department of Justice (DoJ) na tuloy-tuloy lang ang kanilang pag-review sa mga drug cases sa bansa na ikinamatay na ng libo-libong katao.
Ayon kay DOJ Undersecretary Adrian Ferdinand Sugay, sa ngayon nasa 328 na kaso na ang na-review at natapos ng DOJ-led inter-agency review panel mula sa mahigit 5,000 kaso ng pagkamatay ng mga indibidwal na umano’y nanlaban sa anti illegal drug war operation na kampanya ng pamahalaan noong umupo si Pangulong Rodrigo Duterte taong 2016.
Inihahanda na rin daw ng DoJ ang mga kasong posibleng kaharapin ng mga pulis na hindi sumunod sa protocol ng pamahalaan nang isagawa ang mga serye ng drug operation.
Posibleng maharap ang mga pulis sa administrative at criminal charges.
Naisumite na rin daw ng DoJ sa opisina ng Pangulong Duterte at ng PNP ang kanilang report sa isinagawa nilang inisyal na imbestigasyon.
Posible naman daw na ilabas ng PNP ang resulta ng kanilang findings at rekomendasyon sa unang linggo ng buwan ng Marso.
Hunyo noong nakaraang taon nang ireport ni Justice Secretary Menardo I. Guevarra sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) na magsasagawa ang DoJ ng review sa anti-illegal drug operations ng pamahalaan na ikinamatay ng 5,600 na katao.
Sa ngayon, na-examine na ng panel ang mga available records sa ilang key areas at cities kung saan nanggaling ang mga namatay habang isinasagawa ang illegal drug operations.
Kasama sa areas ang Bulacan, kabilang ang City San Jose del Monte; Cavite, kasama ang Bacoor City at bahagi ng National Capital Region.
Aminado si Guevarra na hindi raw nasunod ng ilang pulis ang operations sa kanilang isinasagawang drug operations kaugnay pa rin ng kampanya ng pamahalaan kontra sa iligal na droga.