CAUAYAN CITY – Iminungkahi ng isang human rights Lawyer sa United Kingdom ang pagtatalaga ng pamahalaan ng Pilipinas ng mga ahensiya na maaaring mag-monitor sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa iba’t ibang panig ng mundo sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa United Kingdom ay umabot na sa halos 5,000 naitalang nasawi sa COVID-19 at mahigit 200 sa nasabing bilang ay pawang Filipino frontliners.
Tinatayang aabot sa mahigit 700 Filipino frontliners na nagtatrabaho sa mga nursing homes at ospital sa United Kingdom ang naitalang nagpositibo sa COVID-19.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Girlie Manalo Gonito, human rights Lawyer sa London at founder ng OFW UK International Friendship Association na tubong Echague Isabela, sinabi niya na doble ngayon ang hirap ng kalagayan ng nasa 300,000 na OFWs sa United Kingdom dahil sa banta ng COVID-19.
Ayon kay Atty. Gonito, ang nasabing bilang ng mga nasawing Filipino dahil sa COVID-19 ay hindi namo-monitor ng embahada ng Pilipinas dahil sa kakulangan ng pondo at pasilidad.
Maraming OFWs aniya ang hindi nakakahingi ng tulong sa pamahalaan ng United Kingdom lalo na ang mga Pilipinong may probelema sa kanikanilang mga dokumento.