Humigit kumulang 2.5 million Muslim hajj pilgrims ang nagtipon-tipon ngayong araw sa Mount Arafat sa Saudi Arabia sa gitna ng matinding init at regional tensions para makibahagi sa isang vigil sa atonement ng kanilang mga kasalanan at humingi ng patawad sa Diyos.
Nagpalipas ng gabi ang mga pilgrims na nakasuot ng puting robe sa palibot ng Mount Arafat kung saan ayon sa Islam sinubukan ng Diyos ang pananampalataya ni Abraham nang hilingin nito na isakripisyo ang kanyang anak na si Ishmael.
Ilang mga pligrims na galing pa sa Mina area ay nagsimulang maglakad ng madaling araw papunta sa naturang burol, habang ang iba naman ay lulan ng mga bus dala ang kanilang mga pagkain, carpets at mga pamaypay.
Nang sila ay makarating sa burol, kanya-kanyang hanap ng puwestong mapag-uupuan ang mga pilgrims para manalangin.
Para sa iba, ang pilgrimage na kanilang ginagawa ay maituturing na relief dahil sa pamamaraan na ito nakakahingi sila ng patawad sa Diyos sa kanilang mga nagawang kasalanan.
Samantala, pagkatapos na manalangin sa Mount Arafat, sunod na tutungo ang mga pilgrims sa Muzdalifa sa pagbaba ng araw para kumuha ng mga maliliit na bato.
Kanilang itatapon ang mga ito sa mga haligi na gawa sa bato na sumisimbolo sa demonyo sa Jamarat. (Reuters)