NAGA CITY – Iniulat ng Office of Civil Defense-Bicol na nasa 2,379 pamilya ang inilakas mula sa mga lalawigan ng Masbate, Sorsogon at Albay dahil sa pananalasa ng bagyong Jolina.
Base ito sa inisyal na report ng OCD-Bicol kagabi, Setyembre 7, 2021.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Gremil Naz, tagapagsalita ng OCD-Bicol, sinabi nito na ayon sa mga naisumiteng datos sa kanilang opisina hanggang alas-5:00 ng hapon kahapon, umabot na sa 2,379 na pamilya o katumbas ng nasa 10,649 katao ang inilikas mula sa nasabing mga lalawigan.
Ang lalawigan ng Masbate ang nakapagtala ng pinakamaraming evacuees sa Bicol region kung saan binubuo ito ng nasa 1,755 na pamilya o 8,609 katao.
Sa nasabing tatlong probinsya, sinabi ni Naz na mayroon na ng nasa 1,853 na pamilya o 8,339 na katao ang nailikas na at nasa loob na ng mga evacuation centers habang mayroon naman ng nasa 526 na pamilya o katumbas ng nasa 2,310 na katao ang piniling manatili sa mga pribadong bahay o mga hotel.
Samantala, naitala naman ng opisina ang limang partially damage na mga kabahayaan sa bayan ng Uson sa Masbate.
Binigyan diin rin ni Naz na ang mga nasabing datos ay pwede pang madagdagan dahil may mga hinihintay pa umano silang mga reports mula sa iba’t ibang lugar sa rehiyon.
Kaugnay nito, wala pa naman umanong naitalang casualty, injuries o mga nawawala sa rehiyon Bicol kaugnay ng pananalasa ng Bagyong Jolina.