Binigyang-diin ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na responsibilidad ni Rep. Leandro Leviste na patunayan ang kanyang mga paratang kaugnay ng sinasabing “Cabral’s files,” matapos nitong hamunin si Castro na beripikahin umano kay Department of Transportation Secretary Vince Dizon ang alegasyon ng mga “insertions.”
Ayon kay Castro, hindi obligasyon ng Malacañang o ng sinuman sa gobyerno na patunayan ang mga dokumentong si Leviste mismo ang nag-aangking may hawak.
Giit ni Castro, si Leviste ang nagsimulang magyabang tungkol sa mga dokumentong ito, kaya nasa kanya ang responsibilidad na patunayan ang pagiging totoo nito.
Dagdag pa niya, hindi rin tiyak kung ang mga dokumentong tinutukoy ni Leviste ay tunay o kung ito’y mga binago o gawa-gawang papeles lamang.
Iginiit ni Castro na bago magbato ng akusasyon laban sa sinuman, nararapat munang maglatag ng malinaw at beripikadong ebidensya.
Sinabihan ni Castro ang batang Kongresista na sarili niya itong alegasyon at hindi dapat ipinapasa sa iba ang responsibilidad ng pagpapatunay.
Nilinaw rin ng Palace official na ang wastong proseso ay ang pagsuporta sa mga paratang gamit ang konkretong katibayan, sa halip na mag-utos o mag-obliga ng ibang opisyal na magsagawa ng beripikasyon.
















