Posibleng masundan pa sa mga susunod na buwan ang Dengvaxia cases na ihahain sa Department of Justice (DoJ) kasunod ng paghahain kanina sa mahigit 100 kaso.
Ayon kay Public Attoyney’s Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta, kabuuang 101 na kaso ang kanilang isampa kanina na kinabibilangan ng isang survivor.
Ito na ang ika-anim na batch ng Dengvaxia case na isinampa ng PAO sa DoJ.
Ang kaso ay isinampa laban kina Iloilo Representative Janette Garin at Health Secretary Francisco Duque III at iba pang mga opisyal ng Department of Health (DoH) dahil na rin sa pagkamatay umano ng mga batang tinurukan ng anti-dengue vaccine Dengvaxia.
At gaya ng ibang batches, kabilang din sa mga kasong isinampa laban sa mga respondent ang reckless imprudence resulting in homicide at paglabag sa anti-torture law at Consumer Act.
Ang mga dokumento at ebidensiya ay isinakay sa dalawang truck loads para suportahan ang kanilang panibagong reklamo.
Una nang sinabi ng DoH na wala pang kongkretong patunay na konektado sa naturang bakuna ang pagkamatay ng mga bata base sa inconclusive autopsy findings.
Sa ngayon aabot na sa 168 ang kabuuang Dengvaxia case na naisampa sa DoJ.
Tiniyak naman ni Acosta na mayroon pa silang susunod na mga isasampang kaso laban sa mga isinasangkot sa kontrobersiyal na Dengvaxia case.