-- Advertisements --

NAGA CITY – Nananatiling suspendido ang klase sa mga paaralan sa Camarines Sur.

Ito ay batay sa ibinabang memorandum ni Gov. “Migz” Villafuerte dahil pa rin sa pinsala ni Super Typhoon Rolly.

Ayon sa gobernador, wala pa rin ang mga klase sa pampribado at pampublikong paaralan sa lahat ng lebel hanggang sa darating na Nobyembre 15.

Batay kasi umano sa monitoring, karamihang lugar sa nasabing probinsiya ang wala pa ring supply ng kuryente at maging ang komunikasyon ay hindi pa rin “stable.”

Ang hakbang ay kaugnay sa pagbibigay ng konsiderasyon sa mga mag-aaral at guro lalo na ang mga nasa lugar na wala pa ring kuryente at internet connection.

Hanggang sa kasalukuyan kasi, patuloy pa ang pag-aayos ng mga power and telecommunication providers.

Samantala, magpapatuloy na ang pasukan sa pampubliko at pampribadong paaralan sa Naga City ayon naman sa memorandum circular ni Mayor Nelson Legacion.

Nakasaad sa kautusan ng alkalde na muli nang magbubukas ang pasukan ng Basic Education o mula kindergarten hanggang Grade 12 bukas, Nobyembre 11.

Nabatid na ito ay ayon sa naging rekomendasyon ni SDS Manny De Guzman.

Sa kabila nito, malinaw namang nakasaad dito na ang mga administrador sa kolehiyo at graduate school ang magdedetermina ng petsa ng kanilang balik-eskwela.