-- Advertisements --

Pinayuhan ng Armed Forces of the Philippines ang publiko na huwag maniniwala sa video na kumakalat online kung saan sinasabi nito na nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng tropa ng Pilipinas at bansang Malaysia.

Ayon sa AFP, ang video na ito ay maliwanag pa sa sikat ng araw na fake news dahil wala naman aniyang nangyari na ganitong insidente.

Nilalayon lamang aniya ng video na ito na dungisan ang 60 taong diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Malaysia.

Naniniwala ang AFP na layon din ng video na bigyan ng lamat ang relasyon ng dalawang bansa at lumikha lamang ng walang kabuluhang kaguluhan.

Binigyang-diin ng Sandatahang Lakas na ang disimpormasyon ay nagbabanta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon, nagsisilbi sa mga pulitikal na agenda.

Kaya naman, naninindigan ang AFP para sa transparency, katotohanan, at proteksyon ng pambansang interes.