Nasabat ng mga tauhan ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG) mula sa isang drug suspek ang humigit kumulang 50 pakete ng tig-340 gramo ng shabu na may timbang na 17 kilos at nagkakahalaga ng P115.6 milyon sa isinagawang operasyon na buy bust operation sa Mexico, Pampanga kaninang umaga.
Kinilala ni PDEG director BGen. Remus Medina ang naarestong suspek na si Muslimin Mohammad Salim, 29, at residente ng Lower Bicutan, Taguig City.
Nakuha rin ng mga otoridad ang P2,000 buy bust money gayundin ang boodle money na siyang ginamit ng mga otoridad sa operasyon.
Nasa kostudiya na ng Special Operations Unit ng PDEG – National Capital Regon para isailalim sa documentation habang inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek