KALIBO, Aklan—Sinibak sa pwesto ang hepe ng Batan Municipal Police Station sa Aklan upang bigyang daan ang patas na imbestigasyon ukol sa umano’y pananakit nito sa isang 25-anyos na seafarer sa loob ng isang sayawan sa Barangay Angas, Batan, Aklan.
Inihayag ni P/Capt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office (APPO) na nirelieve sa puwesto si PCapt. Ryan Batadlan, epektibo Agosto 19 at ini-assigan sa Aklan PPO habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Isinailalim na rin sa administrative investigation ng Aklan PPO ang pinag-usapang video kung saan, nahagip ang police officer na hindi naka-uniform at tila nasa ilalim ng impluwensiya ng alak bago pa man nangyari ang insidente.
Sakaling makitaan ng substantial evidence sa kanilang ikinasang imbestigasyon ay dito pa lamang malalaman kung anong sanction ang ipapataw ng Philippine National Police (PNP) sa opisyal.
Una rito, nagpa blotter sa Batan MPS ang biktima na residente ng Barangay Man-up sa nasabing bayan matapos na pinagtulungang bugbugin ng grupo ng mga kalalakihan sa labas ng sayawan.
Matapos na maawat ay lumapit si PCapt. Batadlan sa biktima ngunit imbes na imbestigahan ang nangyari ay sinapak pa umano nito ang biktimang seafarer na anak mismo ng isang kapitan ng kalapit na barangay.