Pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) na makaalis ng bansa ang mga health professionals na mayroon ng overseas employment contract na binerepika ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA) noong Marso 8, 2020.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, ito ang napagkasunduan ng IATF matapos ang pagpupulong kaninang hapon.
“Nadesisyunan po ng IATF ngayong hapon na yung mga health professionals na meron na pong mga papeles, ibig sabihin yung OEC na issued ng POEA at yung employment contract na verified as of March 8, 2020 ay pupwede pong lumabas ng bansa,” ani Sec. Roque.
Ayon kay Sec. Roque, maari na ring lumabas ng bansa ang mga health workers na umuwi lamang ng bansa pero naabutan ng lockdown dahil sa COVID-19.
“Pwede rin pong lumabas ng bansa ang mga Balik Manggagawa o yung mga nagbabakasyon lamang sa Pilipinas at matagal na pong nagtatrabaho sa abroad. Sakop pa rin po ang pagdedeploy abroad ng lahat ng health professionals kung wala po silang dokumento on or before March 8, 2020,” dagdag ni Sec. Roque.
Magugunitang Marso nang suspendihin ng POEA ang deployment ng mga health workers para makaiwas sa sakit na COVID-19.
Maliban dito, pinigilan muna ng pamahalaan na makakaalis ng bansa ang mga health workers para tulungan muna ang bansa sa pagharap sa COVID-19 pandemic.