-- Advertisements --

Itinuturing ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na mas malawak at mas mabigat ang katiwalian sa flood control projects ng ahensya kumpara sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam ni Janet Lim-Napoles noong nakaraang dekada.

Ayon kay Dizon, aabot sa Php100B ang hawak ng iilang kontratista mula sa halos 10,000 proyekto mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025. Lumabas din na marami sa mga proyektong ito ay “ghost projects” o hindi talaga naisakatuparan.

Dagdag pa ng kalihim, posibleng may sabwatan sa pagitan ng mga kontratista, ilang pulitiko, at mismong opisyal ng DPWH. Dahil dito, magsasampa na ng kaso ang ahensya sa Office of the Ombudsman laban sa mga sangkot.

Binigyang-diin ni Dizon na matagal nang nakaugat ang problema at hindi niya kayang linisin ang DPWH nang mag-isa, kaya’t kailangan ang pagtutulungan upang mapanagot ang mga responsable sa tinawag niyang “malakihang pagnanakaw sa pera ng bayan.”