Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros na agarang ipatawag ng Malacañang si Chinese ambassador to the Philippines, Huang Xilian, at ipatigil ang anumang plano ng pagtatayo ng tinatawag na “marine nature reserve” sa Bajo de Masinloc.
Ayon kay Hontiveros, ang nasabing hakbang ng China ay isang desperadong pagtatangkang patatagin ang ilegal na okupasyon sa teritoryong pag-aari ng Pilipinas.
Binatikos din ng senador rin ang pagkukunwari ng China na magtayo ng umano’y ‘nature reserve’ gayong sila mismo ang paulit-ulit na sumisira sa mga marine ecosystem upang gumawa ng artificial island at pasilidad-militar.
Nauna nang nagpahayag ng matinding protesta ang pamahalaan ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA), laban sa plano ng Tsina.
Ayon sa ahensya, nakatakdang magsampa ng kaso ang Pilipinas laban sa Beijing, ngunit hindi pa tinukoy kung kailan ito ihahain.
Samantala, sinabi ni Hontiveros na kamakailan ay naghain siya ng Senate Resolution No. 85 na nananawagan sa Executive branch na singilin ang Csina ng mahigit P300 bilyon bilang bayad sa danyos sa pagkasira ng ating likas na yaman.
Umaasa ang senadora na aksyunan ito ng Palasyo bilang bayad aniya sa mga mangingisdang Pilipino.