Binigyang-diin ng MalacaƱang na walang basehan ang naging tinuran ni Rappler Founder/CEO Maria Ressa na ang kanyang guilty verdict sa kasong cyber libel ay isang “cautionary tale” o panakot para huwag magsalita laban sa administrasyon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, pinatunayan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsuporta sa malayang pamamahayag nang sinuportahan nito noon ang naging hakbang ni Alexander Adonis, isang Davao journalist na iakyat sa UN Committee ang libel case na isinampa ni dating Davao Rep. Prospero Nograles.

Ayon kay Sec. Roque, ang kaso ni Ressa ay isang kaso na nalitis na ng hukuman at dapat lamang itong irespeto.

May pagkakataon din daw si Ressa na iapela ang kaso at habang nakabinbin ang apela, hindi naman siya makukulong.

Sa ngayon, aasahan na daw na gagamitin ng mga kritiko ng administrasyon ang hatol ng korte kay Ressa para batikusin at siraan si Pangulong Duterte.