-- Advertisements --

Minaliit lamang ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang plano ng Department of Justice (DOJ) na paghingi ng tulong sa International Criminal Police Organization (Interpol) upang tuluyan siyang maaresto.

Kung babalikan ay isiniwalat ni DOJ Undersecretary Nicholas Ty ang plano ng ahensiya na hilingin sa Interpol ang paglabas nito ng red notice laban kay Roque upang tuluyan siyang arestuhin at paharapin sa mga kaso niya dito sa Pilipinas.

Gayunpaman, sa isang video na inilabas ng dating presidential spokesman, sinabi niyang walang magagawa ang mga ito.

Paliwang ni Roque, kung mayroong nakabinbin na petisyon para sa isang asylum ang isang indibidwal ay hindi siya maaaring arestuhin, kahit pa may ilabas ang Interpol na red notice laban sa kaniya.

Giit ng International Criminal Court (ICC) accredited lawyer, hindi siya maaaring galawin dahil nakabinbin pa ang kaniyang asylum petition sa Netherlands.

Maalalang kasunod ng naunang paglabas ni Roque sa Netherlends noong kalagitnaan ng Marso ay tuluyan din niyang inihain ang kaniyang asylum petition at idinahilan ang umano’y political persecution ng administrasyong Marcos sa kaniya bilang mahigpit na kaalyado ni dating Pang. Rodrigo Duterte.

Kamakailan ay naglabas na rin ng warrant of arrest ang isang local court ng bansa laban kay Roque, dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa human trafficking activities ng isang Philippine Offshore Gaming Operator hub sa Central Luzon.

Ngunit giit ng dating Duterte appointee, gagamitin din niya ito upang mapalakas ang kaniyang request for asylum sa Netherlands.