Pinangunahan ng ilang mga dating pambato ng bansa ang panel of judges ng Miss Universe Philippines 2020 na gaganapin ngayong Linggo.
Kabilang sa final list ng judges ang mga dating Miss Universe runner up na sina Janine Tugonon at Ariella Arida.
Kasali rin ang ilang government officials na sina Presidential spokesperson Harry Roque at ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap. Pati na si Arlene Magalong, ang asawa ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Sa isang online post, hindi napigilan ni Roque ang excitement at pagkabigla bilang isa sa mga judge ng pinaka-inaabangan beauty pageant sa bansa.
“Never thought judging Ms Universe Philippines would be this difficult! The Filipina, simply put, is the best!,” ayon sa tagapagsalita ng pangulo.
Never thought judging Ms Universe Philippines would be this difficult! The Filipina, simply put, is the best!
— Harry Roque (@attyharryroque) October 23, 2020
Sa isang panayam naman, sinabi ni Ariella, na dating 3rd runner ng Miss Universe, Pinay na may “total package” ang dapat na mapili bilang bagong representative ng Pilipinas sa international pageant.
Ilan pa sa mga napiling kumilatis sa susunod na Miss Universe Philippines ang fashion designer na si Jackie Aquino; Frontrow founder and CEO Samuel Salonga Versoza Jr.; IPG Mediabrands Philippines CEO Venus Navalta, P&G director Arthur Peña, at Raymond delos Santos.
Gaganapin ang coronation ng pageant sa Baguio Country Club mamayang alas-9:00 ng umaga.