-- Advertisements --

Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang Japanese national na pinaghihinalaang sangkot at kabilang sa mga notorious na ‘Luffy’ criminal syndicate.

Sa isang opisyal na pahayag ng kawanihan, kanilang ibinahagi na sa pangunguna ng Immigration Fugitive Search Unit ay nakatuwang nila sa operasyon ang National Police Agency ng Japan at Philippine National Police – Intelligence Group.

Dito naaresto ang naturang Hapones na kinilalang si Kensuke Kudo, 28-taon gulang na wanted sa Tokyo, Japan dahil sa pagkakasangkot sa malawakang panloloko.

Ayon sa impormasyon at ulat ng mga otoridad ng Japan, kanilang isiniwalat na si Kudo at ang mga kasabwat nito ay nagpapanggap bilang ‘law enforcement officers’ upang makapambiktima.

Target nilang lokohin o biktimahin ang mga matatanda upang makuha ang mga ATM cards nito kasama maging ang personal na impormasyon.

Ang naturang grupo umano ay nangunguha ng mga datos para makapag-withdraw ng malaking halaga ng pera kahit pa walang pahintulot.

Si Kudo ay isa sa mga natitirang ‘active members’ ng ‘Luffy’ syndicate, isang grupo mula Japan na pinaniniwalaang sangkot sa higit 1-bilyon halaga ng Japanese Yen o higit 380-milyon Piso sa bansa ng cyber fraud, fraud at iba pang cybercrimes.

Ang naturang indibidwal ay kasalukuyan ng nasa kustodiya ng Bureau of Immigration Warden Facility kasunod ng pagkakaaresto.