-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpapagaling na ang dalawang minero na nasugatan matapos na matabunan ng lupa sa nangyaring landslide sa bayan ng Tboli, South Cotabato.

Kinilala ang mga nasugatan na sina Onyok Angkoy, 36-anyos at isang alyas Toto, kapwa residente ng Sitio Mangga, Barangay Tibolok, Tboli, South Cotabato.

Ayon sa mga biktima, dahil sa lakas ng buhos ng ulan ay hindi nila namalayan na gumuho ang lupa kaya natabunan sila.

Mabuti na lamang at natulungan ang mga biktima na agad dinala sa South Cotabato Provincial Hospital.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Floro Gandam ng Lake Sebu, dalawang barangay din sa kanilang bayan ang naapektuhan ng landslide kung saan pahirapan ang daan sa Barangay Maculan dahil sa gumuhong lupa.

Samantala, nananatili sa municipal gym ang halos 200 pamilya na apektado ng malawakang baha sa bayan ng Norala, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni Aiza Lim ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Lim, ang nasabing mga pamilya ay nagmula sa anim na apektadong barangay na kinabibilangan ng Barangay Lapuz, San Jose, Liberty, Matapol, Dumaguil at Simsiman na lumikas hanggang kaninang madaling araw dahil sa lampas beywang na tubig-baha.

Sa katunayan, may mga pamilyang ni-rescue dahil sa lakas ng agos ng baha matapos na umapaw ang tubig sa Banga river.

Ganoon din ang sitwasyon sa mga residente sa Barangay New Iloilo, Tantangan, South Cotabato kung saan may mga pamilya din na inilikas dahil sa baha na natulog sa municipal gym.

Abot hanggang leeg naman ang baha sa ilang purok sa Barangay New Iloilo kaya’t may mga sinaklolohan din ang MDRRMO-Tantangan.

Sa ngayon nagpapatuloy ang assessment sa kabuuang pinsala na sinalanta ng baha.

Noong nakaraang buwan lang ay sinalanta din ng baha ang nabanggit na mga bayan na kinailangang isinailalim ang mga ito sa state of calamity.