Muling nakitaan ng andap o frost ang ilang lugar sa Cordillera Administrative Region.
Ito ay kasabay ng patuloy na pag-iral ng malamig na temperatura, lalo na sa Northern Luzon na pangunahing naaapektuhan ng lumalakas na Hanging Amihan.
Ilang bahagi ng naturang rehiyon ang muling nakitaan ng mga andap na bumabalot sa dahon ng mga pananim, damuhan sa iba’t-ibang bahagi ng Cordillera.
Pangunahin dito ang ilang mga sakahan sa Atok, Benguet, isa sa pinakamataas na lugar sa naturang rehiyon.
Batay sa report na inilabas ng state weather bureau, lalo pang bumagsak ang temperatura sa ilang lugar sa CAR, habang lumalakas ang amihan.
Kahapon (Dec. 28), umabot sa 12.1°C ang temperatura sa La Triidad, Benguet. Ito na ang pinakamababang temperaturang naitala ngayong season.
Nagtala rin ng below 20° Celsius ang ilang lugar sa Luzon na kinabibilangan ng Baguio City (14.8°C), Basco, Batanes (18.5°Celsius) at Tanay, Rizal (19.7° Celsius).
















