-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagtagal ng 15 hanggang 20 minuto ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng 69th Infantry Battalion ng Philippine Army at grupo New People’s Army (NPA) sa Brgy. Nagcanasan, Pilar, Abra nitong Linggo hapon.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Army Lt. Col. Arcadio Posada, commanding officer ng 69th Infantry Battalion ti Philippine Army, sinabi niyang nagsimula ang engkwentro ng ala-1:15 ng hapon at tumigil ang putukan bago mag-alas-dos ng hapon.

Sinabi niya na nangyari ang labanan habang nagsasagawa ang tropa ng gobyerno ng Internal Security Operation sa nasabing lugar dahil sa mga nakuha nilang reports hinggil sa operasyon nga mga NPA.

Dito na rin umano biglang nagpaputok ng baril ang mga rebelde kaya’t napilitan silang gumanti laban sa mga ito.

Kinumpirma naman ni Lt. Col. Posada na wala sa kanilang hanay ang nasugatan at nasawi batay sa inisyal na monitoring sa mga ito.

Patuloy din ang pagbabantay ng militar sa lugar kung saan nangyari ang engkwentro upang malaman kung may nasugatan sa mga rebelde,

Gayundin upang mabantayan ang posibleng paghihiganti ng mga komunistang grupo.