CEBU – Sinalubong ng dalawang malaking sunog ang Mother’s Day sa Cebu City.
Unang sunog ang tumupok sa limang bahay sa Sitio Caimito, Barangay San Nicolas, Cebu City.
Base sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection- Cebu, nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Cristabel Malig-on na nagsimba lang nang nangyari ang insidente.
Humigit-kumulang P700,000 ang danyos sa nasabing sunog at may isang naitalang sugatan.
Samantala matapos ang ilang oras, isa pang sunog ang sumiklab sa Sitio Alumnus Seaside Barangay Basak, San Nicolas, Cebu City.
Itinaas pa ito sa second alarm bago idineklarang fire out.
Ayon kay FO2 Fulbert Navarro, ang Cebu City Fire Investigator, aabot sa 115 bahay ang natupok na nasa P1.2 million ang danyos.
Wala namang naitalang namatay pero dalawa ang nagtamo ng first degree burn.
Ito ay sina Jerry Chevaria, 30-anyos, at Verna Faistrilia, 40, na siyang may-ari ng bahay kung saan unang nagsimula ang sunog.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa dahilan ng sunog sa magkaibang lugar.