Reading Time: 1 minute

Mahigit 500 illegal aliens ang hawak ngayon ng Bureau of Immigration (BI) sa isinagawang raid sa isang iligal na Business Process Outsourcing (BPO) company sa Pasay City.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, kabuuang 542 aliens ang kanilang inaresto sa Millenium Building sa pamamagitan ng joint intelligence operations ng BI, Philippine National Police National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) at Armed Forces of the Philippines.

Sinabi ni Morente, hinuli ang mga foreign nationals na nagtatrabaho sa bansa dahil wala silang kaukulang permit at sa pagiging illegal alien.

Sinabi naman ni Morente na welcome umano ang mga banyagang magtrabaho sa bansa bastat mayroon silang kaukulang permit.

Samantala, ibinunyag naman ni Fortunato Manahan, Jr., Chief ng BI Intelligence Division, ang mga foreigners ay sangkot sa telecommunications fraud na kaparehas ng budol-budol pero karamihan daw sa kanilang mga biktima ay taga-China.

Ang mga naaresto ay 442 Chinese, 23 Vietnamese, 25 Malaysians, tatlong Indonesians, 45 Burmese, at apat na Taiwanese.

Una rito, nakipag-coordinate muna ang BI sa Chinese Embassy bago isinagawa ang raid.