-- Advertisements --

Halos 29,960 pamilya o 103,001 indibidwal ang apektado ng Tropical Depression Wilma sa Eastern Visayas.

Ito ang iniulat ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 8.

Nasa mahigit 3,164 pamilya naman o 9,614 katao ang isinailalim sa preemptive evacuation dahil sa banta ng pagbaha.

Sa isang panayam sinabi ni OCD Region 8 OIC Director Rey Gozon, hindi pa pinapauwi ang mga lumikas hangga’t hindi tiyak na ligtas at wala nang malakas na ulang paparating.

Patuloy din ang preemptive evacuation sa mga lugar na flood- at landslide-prone.

Wala pang hiling na karagdagang tulong mula sa mga LGU at wala ring natatanggap na reklamo sa pamamahagi ng relief goods.

Pinaalalahanan din ng OCD na bawal muna ang paglalayag at iba pang water activities habang nananatili ang masamang panahon.

Sa Eastern Samar, ilang bayan gaya ng General MacArthur at Llorente ang nakaranas ng bahang umabot hanggang tuhod dahil sa pag-apaw ng ilog, ngunit karamihan ay nagsimulang humupa.

May naiulat ding pagbaha sa Legazpi City, Albay; Garchitorena, Camarines Sur; at ilang insidente ng landslide sa Cebu at Tawi-Tawi kung saan may mga inilikas na residente.

Patuloy na inaabisuhan ang publiko na sundin ang mga kautusan ng awtoridad para sa kanilang kaligtasan.