-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Tatagal hanggang Oktubre a-31 ang 29th Siargao International Surfing Cup 2025 (WSL QS6000) na kasalukyang nagpapatuloy sa bayan ng General Luna, Siargao Islands, lalawigan ng Surigao del Norte.

Umabot sa 179 na mga surfers mula sa Japan, Korea, New Zealand, India, Australia, Brazil, France, Great Britain, Italy, United States of America, South Africa, Sweden, Taiwan, at Pilipinas ang kalahok sa prestihiyosong kumpetisyon na isinagawa sa sikat na Cloud 9 ng Barangay Catangnan.

Si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio ang nagsilbing guest of honor sa opening ceremony samantalang si Andrew Stark naman, na presidente ng World Surf League Asia Pacific, ang pormal na nagbukas sa seremonya.

Sa kanyang talumpati, nangako si PSC Chairman Patrick Gregorio ng buo ang suporta ng pambansang pamahalaan sa naturang torneo upang mas mapalaki, mapaganda, at higit pang maitaas ang antas ng sports tourism event na ito sa bansa.

Mainit namang tinanggap ng Surigao del Norte Governor Robert Lyndon Barbers at General Luna Mayor Johnson Sajulga ang mga kalahok at mga bisita.

Ang Siargao International Surfing Cup ay isa sa mga pinakamatagal nang isinasagawang at pinaka-prestihiyosong surfing competition sa Pilipinas, na patuloy na pino-promote ang Siargao bilang surfing capital ng bansa at pangunahing destinasyon ng internasyonal na turismo.