Pinasalamatan ni acting Supreme Court (SC) Chief Justice Antonio Carpio ang kanyang katrabaho sa hudikatura kasabay ng pagdalo nito sa kanyang huling flag raising ceremony.
Sa kanyang farewell speech, binalikan ni Justice Carpio ang araw na una siyang pumasok sa bakuran ng SC bilang associate justice ng SC 18 taon na ang nakararaan.
Sa loob ng 18 taong pagsisilbi sa Korte Suprema, aabot sa 935 full blown decision ang kanyang isinulat.
Kabilang dito ang 79 dissenting opinions, 30 concurring opinions, 13 separate opinions at apat na concurring and dissenting opinions.
Kasabay nito, ginawaran si Carpio ng certificate of appreciation at ng plaque of recognition ng Korte Suprema sa kanyang naging malaking ambag sa judiciary.
Nakilala si Carpio sa pagiging vocal nito sa paninindigan at pagtatanggol sa West Philippine Sea.
Si Justice Carpio ay magreretiro sa Biyernes kasabay ng kanyang ika-70-taong kaarawan na siyang mandatory retirement age para sa isang mahistrado ng SC.
Bago magretiro, ito na ang ika-limang pagkakataon na itinalagang acting chief justice si Carpio.