CEBU CITY – Natagpuang patay ang isang habalhabal driver matapos itong inanod ng baha sa Barangay Guinacot, Danao City, Cebu sa kasagsagan ng bagyong Ursula.

Unang naiulat na missing ang biktimang si Jonathan Canggas, 31 anyos, at residente ng Brgy. Togonon ng nasabing lungsod.

Ayon sa head ng Danao City Disaster Risk Reduction and Management Office na si Roland Reyes na pauwi na sana si Canggas sa kanilang bahay matapos itong nag-inuman sa kanyang pinsan noong bisperas ng Pasko.

Pinigilan sana ng pinsan ang biktima noong nananalasa ang bagyong Ursula ngunit umuwi naman ito maya-maya.

Dagdag pa ni Reyes na iniulat ng kabiyak ni Canggas ang nawawala nyang asawa sa otoridad noong December 25 dahil sa pag-aalala nito.

Nagsagawa ang Danao City DRRMO ng search and retrieval operation at pagkalipas ng ilang sandali, natagpuan ang bangkay ni Canggas sa Awihao Dam sa Brgy. Guinacot.

Nakahimlay na ngayon sa isang punerarya ang habalhabal driver matapos itong na-assist ng Danao City LGU.