Nagpasaklolo sa Court of Appeals (CA) ang Rappler chief executive officer na Maria Ressa ng online media outfit Rappler kaugnay ng kinahaharap na reklamong cyberlibel.
Si Ressa at Santos ay naghain ng Notice of Appeal sa CA kasunod ng pagpapalabas ng Manila Regional Trial Court (RTC) guilty verdict laban kay Ressa at dating researcher at writer Reynaldo Santos Jr. dahil sa kasong cyberlibel.
Una rito, sa desisyon ni Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa sinabi nitong nilabag ni Ressa at Santos ang Republic Act (RA) 10175 o ang Cybercrime Prevention Act dahil sa pagdawit nito sa negosyanteng si Wilfredo Keng.
Sa nai-publish na article ng Rappler noong 2012, sinasabing sangkot si Keng sa serye ng krimen kabilang ang human at drug trafficking.
Sa desisyon ni Montesa noong Hunyo 15, 2020 hinatulan nitong makulong ang dalawa ng anim na buwan hanggang anim na taon.
Inatasan din ni Montesa na magbayad si Ressa at Santos kay Keng ng tig P200,000 para sa moral at exemplary damages.
Sa CA records, lumalabas na naihain ang Motion for Partial Reconsideration ni Ressa at Santos noong June 29, 2020 pero ito ay ibinasura ng lower court noong July 24, 2020.
Ito ang naging dahilan kung bakit iniakyat ng dalawa ang kanilang apela sa CA sa pamamagitan ng Notice of Appeal at inilipat ang records mula Manila RTC papuntang CA para sa review.
Sa ngayon ay nanatili namang malaya ang dalawa matapos maglagak ng piyansa.