Binigyang diin ng National Police Commission (NAPOLCOM) na hindi kaya ng isang ahensya lamang ang balak na ‘internal cleansing’ ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner and Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Calinisan, dapat na pagtulungan ng iba pang mga attached agencies ang paglilinis sa hanay ng PNP para sa mas mabilis na aksyon tungkol sa mga pagkakasangkot ng ilang kapulisan sa mga iligal na gawain.
Binigyang diin rin ni Calinisan na hindi lamang mga ahensya ang makakatulong para sa paglilinis na ito ngunit maski ang publiko at ang mismong komunidad na kinabibilangan nila.
Aniya, kailangan ngayon ng kanilang tanggapan at ng iba pang ahensya na magsuportahan sapagkat hindi dapat na magpabaya ang mga ito sa kanilang mga sinumpang tungkulin.
Paalala ni Calinisan, hindi dapat kinukunsinti ang mga ganitong sitwasyon at hindi dapat kinikilingan ang panig ng mga kapulisan at tiniyak na sasailalim sa isang proseso at mabilis na pagreresolba ang mga kasong may sangkot na pangaabuso mula sa mga kapulisang nasa serbisyo.
Samantala, kaugnay nito ay mas pinabilis na ng NAPOLCOM ang pagproseso sa mga natambak na mga kaso ng pangaabuso at tiniyak na hindi na ito matatagalang resolbahin dahil target nila ngayon ang mas mabilis na aksyon sa mga reklamo at sumbong ng bayan lalo na kung ito ay kinasasangkutan ng mga uniformed personnels.