Inaasahan ng Department of Energy (DOE) ang kabuuang 19,190 megawatts (MW) ng karagdagang kapasidad sa enerhiya mula 2025 hanggang 2030, kung saan higit sa kalahati nito ay mula sa renewable energy (RE).
Batay sa datos ng DOE, aabot sa 11,684 MW ang mga nakatakdang proyekto sa malinis na enerhiya, mas mataas kaysa sa 7,505.7 MW mula sa non-renewable sources. Pinakamalaki ang ambag ng solar energy na may 8,431 MW, sinundan ng wind energy na may 2,233 MW.
Kabilang din sa plano ang energy storage systems (ESS) upang makatulong sa pagpapanatili ng balanse sa suplay ng kuryente. Sa non-renewable energy, pinakamalaki ang inaasahang ambag ng natural gas na may 5,630 MW.
Samantala, may 1,705 MW pa ring committed coal projects sa kabila ng ipinatupad na coal moratorium noong 2020.
Layon ng nasabing mga proyekto na tugunan ang lumalaking demand sa kuryente at isulong ang mas malinis na pinagkukunan ng enerhiya ng Pilipinas.