Aprubado na ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang karagdagang 10-araw na Supplemental Mental Wellness Leave (SMWL) kada taon para sa mga opisyal at empleyado ng Senado na may diagnosis ng kondisyon sa kalusugan ng pag-iisip.
Ang bagong benepisyong ito ay dagdag sa umiiral na 5-araw na mental wellness leave na inilunsad ng dating Senate President Juan Miguel Zubiri noong 2024.
Batay sa Policy Order No. 2025-006 na inirekomenda ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. at pinirmahan ni Escudero nitong Martes, layunin ng bagong polisiya na paigtingin ang kapakanan ng mga kawani sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sistematikong programa para sa kaalaman sa mental health, pagbuwag ng stigma, pagbibigay suporta sa mga nasa panganib, at pagpadali ng access sa psychiatric evaluation, treatment, at psychosocial support.
Alinsunod din ito sa Republic Act No. 11036 o Mental Health Act, na nagtataguyod sa karapatang pantao ng bawat Pilipino sa mental health at inaatasan ang mga employer na bumuo ng kaukulang polisiya at programa ukol dito sa kanilang mga lugar ng trabaho.
15 araw kada taon ang kabuuang mental wellness leave at yung unang 5 araw ay ‘no questions asked’ at pwedeng gamitin agad. Pero kapag lumampas sa 3 sunod-sunod na araw, kailangan na ng medical certificate. Ang karagdagang 10 araw naman ay kinakailangang suportado ng diagnosis at medical certificate mula sa lisensyadong psychiatrist.
Sakop ng bagong polisiya ang lahat ng regular, permanenteng, co-terminus, casual, temporary, at contractual na empleyado ng Senado basta’t may hindi bababa sa anim na buwang tuloy-tuloy na serbisyo.
Ayon sa kautusan, maaaring gamitin ang Supplemental Mental Wellness Leave para sa out-patient psychiatric consultation, therapy, rehabilitation, o treatment. Kailangang may kalakip na medical certificate mula sa psychiatrist na nagpapatunay ng kondisyong mental na nangangailangan ng naturang serbisyo.
Nilinaw din ng polisiya na ang SMWL ay hindi maaaring maipon o mapalitan ng pera, ngunit maaaring isabay sa iba pang leave privileges na mayroon na ang empleyado. (report by Bombo Jai)