CEBU CITY – Nahaharap ngayon ang Cebu City Government at ang Megawide Construction Corporation sa isang reklamo matapos nagkaisa ang mga grupo ng mga stall at ambulant vendor at nagpetisyon sa korte na ibasura ang pagsisimula sa modernization project ng Carbon Public Market sa Cebu City.
Isinumite kahapon ng nagkaisang grupo ng mga vendors sa Cebu City Hall of Justice ang petisyon na magnu-nullify o ibasura ang P5.5 billion na Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan ng Cebu City Government at ng Megawide Construction Corporation.
Ang nasabing kasunduan ay para sana pagpapaganda at pagmodernize sa Carbon Market.
Sinusulong ng mga grupo ng mga vendors na tutol sa kasunduan na mapawalang bisa ang kasundaun dahil maraming vendors ang mawawalan ng pwesto at maaring hindi narin makapaninda muli.
Maliban pa rito, natatakot rin ang nasabing grupo sa sinasabing “privatization” ng nasabing merkado dahil ito ay Public-Private Partnership kung saan 50 taon na hahawakan ng Megawide Corporation ang operasyon sa nasabing merkado bago ito i-tuturnover sa lungsod.
Isa sa mga tutol ay si Basan Amura, Lider ng Barug Vendors sa Sugbo at iginiit nito na maraming butas sa probisyon.
Dagdag pa nito na maliban pa sa pagka-displace ng mga vendors ay posibling magmahal rin ang mga bilihin sa sentro ng commercial hub sa kabisay-an.
Hiling nila ngayon sa korte ang temporary restraining order (TRO) at kasali naring ang writ for a preliminary injunction at writ of mandamus.